Ilang health facilities din sa Northern Luzon ang nadamay sa pinsala ng bagyong “Ulysses,” ayon sa Department of Health (DOH).
LOOK: List of health facilities damaged by the typhoon. | @BomboRadyoNews (via DOH) pic.twitter.com/5vBI5GXOvq
— Christian Yosores (@chrisyosores) November 16, 2020
Batay sa monitoring ng DOH-Health Emergency Management Bureau, nakapagtala ng damage ang mga pasilidad sa Cordillera, Cagayan Valley, pati na sa Central Luzon.
Kabilang dito ang Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center ar Mega Drug Treatment and Rehab Center sa Nueva Ecija; Bataan Treatment and Rehab Center; Palanan District Hospital at Palanan Rural Health Unit (RHU) sa Isabela; Alfonso Ponce Enrile Memorial District Hospital, 2 RHU ar 14 na Barangay Health Station sa Cagayan; at Palasaan Barangay Health Station sa Benguet.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakapaglabas na ng P29-million na halaga ng mga gamot at medical supplies ang DOH-Central Office para sa mga hinagupit ng bagyo.
Gumastos naman ng P18-million na halaga ng responde ang mga naapektuhang regional offices ng kagawaran.
“Mayroon na rin tayong health emergency response teams na ready for deployment sa Region 2 para sa disease surveillance, medical, water and sanitation hygiene.”
“Nagde-deploy na rin tayo ng para sa mental health at psychosocial support ng ating evacuees sa mga lugar.”
Samantala, limang quarantine facilities din daw sa Cagayan province ang naapektuhan ni “Ulysses,” kaya naman ilang COVID-19 patients ang inilipat muna ng evacuation centers.
“They had to transfer to specific areas, evacuation areas. (They are) isolated, hiwalay pa rin naman ang mga ito.”
“Yung iba naman base sa assessment ng doktor, pinauwi at ituloy ang quarantine sa bahay.”
Sa ngayon nasa Code Red pa rin ang Center for Health Development (CHD)-Cagayan Valley. Ang Calabarzon at Bicol naman ay nasa Code Blue.
Ayon kay Vergeire, sa ilalim ng Code Red lahat ng resources ng regional office at DOH hospitals ay gagamitin. Sa ilalim naman ng Code Blue, may mga teams na nakatalaga para mag-mobilize ng mga gamit at pasilidad ng DOH.
“Sa parehong code alerts mayroon tayong coordinator para sa health emergency na present sa DOH hospitals na nag-aaddress ng mga health concern in the context of emergency and disasters.”