Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang rekomendasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng gasolina bilang pang-disinfect sa mga face masks.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire posibleng panibagong hirit na namang biro ng pangulo ang binitiwang pahayag.
“Alam niyo naman ‘pag nagsasalita si Presidente, baka ‘yung mga jokes lang niya ‘yun, especially ‘yung sa gasoline,” ani Vergeire sa isang press briefing.
Kung maalala, sinabi ni Duterte sa isang public address nitong Martes na maaaring hugasan ng gasolina ang face masks kung hindi kayang bumili ng disinfectant spray ng publiko.
“Pagtapos ng araw, hang it somewhere. Isprayhan mo lang Lysol if you can afford it, yung wala, ibabad mo ng gasolina o diesel, p*tngn**ng COVID yan, di uubra yan diyan,” ani Duterte.
Pero paglilinaw ni Vergeire, ang ipinupunto ng pangulo ay yung mga reusable na face masks.
“May department memo tayo on rational use of protective equipment. ‘Pag ikaw ay may symptoms, gamitin mo surgical mask. Yung manipis na mask, pero ‘pag ikaw ay nagtatrabaho sa ospital, N95 mask. Kapag sa community, cloth mask,” ayon sa opsiyal.
Kaugnay nito, binigyang diin ng Health spokesperson ang tamang paggamit at pagtapon ng mga gamit face masks.
“Pinapaalala lang natin kasi, napaka-importante lang kasi, we still see a lot of people na wala silang mask or may mask nasa baba lang nila, o nakatakip sa bibig lang hindi sa ilong.”
“Kailangan din yung tamang pagdi-dispose, ang dami nating nakikita. Yung mask nakatapon lang sa kalya. Kailangan kung paano natin tini-treat yung maduduming bagay, ganon din yung paghandle as waste dito sa mga mask.”
Para naman sa mga nagamit ng cloth mask, payo ng Health department na araw-araw labhan pagtapos gamitin.
“Pero yung mga surgical mask at N95 mask its a single use only. Hindi mo pwede hugasan yan, may mga components yan na parang certain filtering mechanism.”