Ibinunyag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na matagal nang iniimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang mga anomalya sa 400 health centers na nakatengga o hindi nagagamit bago pa ito nailabas sa media.
Ayon sa kalihim, ilang aksyon na ang kanilang isinagawa at patuloy ang case buildup ng ahensya.
Matatandaan, sa pagdinig sa House of Representatives sa panukalang pondo ng DOH para sa 2026, tinukoy ni Sec. Herbosa ang Health Facilities Enhancement Program o HFEP bilang “flood control version” ng DOH.
Ito ay isang programang inilunsad noong 2008 para palawakin ang serbisyong pangkalusugan para sa mahihirap.
Ngunit ayon kay Rep. Chel Diokno, 200 lamang sa 600 health centers sa ilalim ng programa ang aktibo, sa kabila ng mahigit ₱170 bilyong pondo.
Nilinaw naman ni Rep. Albert Garcia, ang budget sponsor ng DOH, na walang “ghost hospitals” ngunit marami ang hindi nagagamit dahil kulang sa mga medical personnel.
Ipinaliwanag naman ni Sec. Herbosa na naghahanap na ang DOH ng paraan upang mapatakbo ang mga natapos ngunit hindi pa gumaganang pasilidad.
Sinabi naman ni Health Asec. Albert Domingo na isinasagawa na ng ahensiya ang mga legal na hakbang at ilalabas ang mga detalye sa tamang panahon.