Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa nila ipinag-uutos ang muling paggamit ng face mask sa Metro Manila. Ito ay matapos maglabas ng Executive Order ang Quezon Province na nag-uutos na magsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Sa isang pahayag, sinabi ni DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert del Rosario na may karapatan ang bawat Local Government Unit (LGU) na magpatupad ng sarili nilang mga panuntunan para sa kalusugan ng publiko, base sa Republic Act 11332.
Sinabi pa niya na ayon sa kanilang datos, walang bagong virus na kumakalat sa bansa.
Ang madalas na sanhi ng Influenza-like Illnesses o ILI ay Influenza A, Rhinovirus, at Enterovirus. Ang COVID-19 ay nasa ika-10 pwesto lamang sa mga sanhi nito, at bumubuo lamang sa 1% ng mga kaso.
Nagpaalala naman ang DOH sa publiko na panatilihing malinis ang mga kamay, magsuot ng mask kung may nararamdaman, magpabakuna, at magpahinga nang sapat at kumain ng masustansyang pagkain.