Maaring maglandfall ang bagyong Wilma sa mga islang nakapaloob sa Eastern Visayas at Caraga Region, batay sa inisyal na pagtaya ng state weather bureau.
Ayon kay Weather Services chief Engr. Chris Perez, maaaring mangyari ang landfall bukas ng gabi (Dec. 5) o sa Sabado ng umaga.
Maaaring tumama ang naturang bagyo sa Guian, Eastern Samar, o Dinagat Islands, o Bucas Grande.
Sa pagtama nito sa kalupaan ng bansa, inaasahang magdadala ang naturang bagyo ng mga serye ng pag-ulan sa Visayas at Mindanao.
Nasasaklawan ng bagyong Wilma ang 200km sa palibot nito.
Ayon kay Perez, magiging malawak ang maaapektuhan sa pag-ulan na dulot ng naturang bagyo.
Maaapektuhan dito ang ilang mga probinsiya sa Southern Luzon, buong Visayas, at Mindanao, lalo na ang mga probinsya sa hilagang bahagi ng naturang rehiyon.
Inaasahang magtatagal ang mga pag-ulan hanggang sa araw ng Lingo (Dec. 7).











