Sinuspendi na ang lahat ng biyahe sa dagat sa Central Visayas dahil sa epekto ng bagyong Wilma.
Ayon sa Philippine Coast Guard District Central Visayas, ang suspensiyon ng mga biyahe sa dagat ay bunsod ng malalakas na hangin at hindi magandang kondisyon sa dagat dulot ng bagyong Wilma at ng Northeast Monsoon o hanging amihan.
Base sa inilabas na abiso ng PCG nitong hapon ng Biyernes, kabilang sa mga suspendido ay ang outbound at inbound trips sa lahat ng istasyon ng Coast Guard District Central Visayas.
Kaugnay nito, nagpadala na ang PCG ng kanilang mga tauhan sa mga terminal sa Cebu, Bohol, Negros Oriental at Siquijor para maasistihan ang mga apektadong pasahero at matiyak ang pagtalima sa ipinapairal na “no-sail policy.”
Ayon sa state weather bureau, inaasahang mag-landfall ang tropical depression Wilma sa Eastern Visayas o Dinagat Islands ngayong gabi ng Biyernes o umaga ng Sabado.
















