-- Advertisements --

Tiniyak ng Energy Task Force Election (ETFE) ang kahandaan ng Department of Energy (DOE) na magbigay ng tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng kuryente sa buong bansa kaugnay ng nalalapit na local and national election sa Mayo 12.

Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, nakaposisyon na ang mga contingency plan at tuloy-tuloy na rin ang koordinasyon ng Energy Task Force Election (ETFE) sa mga power producers, transmission operators, at fuel providers upang matiyak ang ligtas at maayos na halalan.

Kabilang sa mga ginawang hakbang ang inspeksyon at maintenance ng mga pasilidad ng DOE, pre-election checks sa mga voting at canvassing centers, at pagsiguro sa operational na Uninterruptible Power Supply (UPS) ng Commission on Election (Comelec).

‘Our contingency plans are in place, and we are in constant coordination with security agencies to help ensure a smooth and secure election process,’ pahayag ni Fuentebella.

Katuwang ng ETFE sa paghahanda ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor, kabilang ang Philippine Independent Power Producers Association, National Power Corporation, National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), Independent Energy Market Operator of the Philippines, National Electrification Administration, National Transmission Corporation, Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation, generation companies, distribution utilities, electric cooperatives, the Philippine National Oil Company (PNOC), at downstream oil industry players.

Kampante ang DOE na makakayanan nito ang inaasahang mataas na demand sa kuryente bago, habang, at pagkatapos ng halalan 2025.