Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na matatag ang suplay ng kuryente sa kasagsagan ng weekend holiday kasabay ng All Saints’ at All Souls’ Day o tinatawag na Undas.
Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na maigting na itong nakikipag-ugnayan sa power generation companies, National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at distribution facilities gayundin sa electric cooperatives para mapanatili ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa kabuuan ng holiday period.
Nakalatag din ang contingency measures para matugunan ang posibleng pagtaas ng demand sa kuryente o localized disruptions.
Magpapakalat din ang NGCP at distribution utilities ng technical personnel para agad na marespondehan ang anumang isyu may kinalaman sa suplay ng kuryente.
Umapela naman ang ahensiya sa publiko na pairalin ang episyenteng paggamit ng kuryente sa bahay man o sa sementeryo.
















