-- Advertisements --

Nagbigay ng ilang panibagong update ngayong umaga si Department of Energy Secretary Sharon Garin matapos personal na bumisita sa Cebu Province para sa ground assessment sa Bogo City, kaugnay ng tumamang magnitude 6.9 na lindol sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines hinggil sa timeline kung hanggang kailan posibleng mawalan ng kuryente ang ilang siyudad sa naturang probinsya, sinabi ni Garin na bagama’t hindi pa sila makapagbigay ng pinal na iskedyul, target ng ahensya na maibalik ang suplay ng kuryente sa mga munisipalidad sa loob ng isang linggo, depende sa magiging assessment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga imprastrakturang napinsala.

Binibigyang-priyoridad din ng departamento ang integridad at kaligtasan ng mga gusali bago muling i-energize ang mga siyudad upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng power supply sa rehiyon.

Patuloy ang malalim na koordinasyon ng DOE sa DPWH, partikular kay Secretary Vince Dizon, para sa progreso ng assessment sa mga gusali sa Cebu Province na lubhang naapektuhan ng lindol.

Tiniyak ni Garin na tuloy-tuloy ang trabaho ng DPWH at iba pang ahensya upang masiguro ang kaligtasan ng mga estruktura at ang maayos na panunumbalik ng enerhiya at iba pang pangunahing pangangailangan sa probinsya. Samantala, kinumpirma ng kalihim na maayos na ang mga generator at transmission lines, at ilan na lamang ang kailangang i-check para sa power supply, habang patuloy pang ina-assess ang distribusyon nito sa mga siyudad at kabahayan.