Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) ang mga bagong regulasyon na nag-aatas sa mga distribution utilities na isama sa kanilang mga development plan ang pagtatayo ng electric vehicle charging stations (EVCS) at pabilisin ang pagproseso ng mga aplikasyon ng mga operator nito.
Sa inilabas na Department Circular No. DC2025-08-0012 ng ahensya, kailangang isaalang-alang ng mga utility companies ang demand para sa EV charging sa kanilang grid planning at tapusin ang pagproseso ng aplikasyon ng mga EVCS provider sa loob ng 20-araw.
Hinihikayat din ng DOE ang paggamit ng renewable energy sa mga charging stations bilang bahagi ng layuning maabot ang 35% renewable energy sa bansa pagsapit ng 2030.
Kasabay nito, inaprubahan din ng DOE ang pagpapasimple sa proseso ng sertipikasyon para sa mga EV manufacturer, importer, at dealer, at iaayon sa Vehicle Fuel Economy Labeling Program (VFELP) ng bansa.
Binigyang-diin naman ni Energy Secretary Sharon Garin na ang electric mobility ay mahalagang bahagi ng estratehiya sa seguridad sa enerhiya.
‘Electric mobility is a vital pillar of our energy security strategy. By reducing our reliance on imported oil, EV adoption shields our economy from volatile global prices while expanding the use of locally sourced renewable energy. This transition allows us to manage demand more efficiently, cut greenhouse gas emissions, and build a cleaner, more resilient energy future for all Filipinos,’ ani Garin.