-- Advertisements --
Marikina testing lab

Hinihiling ngayon ng mga front liners na mabigyan pa sila ng mas maraming suplay ng personal protective equipment (PPE) para mapababa ang bilang ng mga health workers na nadadapuan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa loob lamang kasi ng dalawang linggo ay halos nadoble na ang bilang ng mga nahawaan ng naturang virus o 13 percent sa lahat ng mga naitalang kaso sa buong bansa.

Sa ngayon nasa kabuuang 766 na health care workers ang dinapuan ng COVID-19 na kinabibilangan ng 339 na doktor at 242 nurses.

Ang kasalukuyang bilang ng mga infected health workers ay tatlong beses na mas mataas sa unang report ng Department of Health noong April 8 na 252.

Aabot na rin sa 22 ang bilang ng mga health workers na namatay sa kasagsagan ng pagsisilbi sa bayan para labanan ang naturang virus o halos anim na pursiyento ng lahat namatay ng covid.

Sa latest update ng DoH, 387 na ang lahat ng mga namatay sa virus, 5,878 naman ang dinapuan at 487 naman ang mga naka-rekober.