Mariing tinanggihan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang panawagan ng ilang dating negosyador na muling buksan ang peace talks sa communist group at New People’s Army (NPA).
Sa isang seremonya sa Laoag City, Ilocos Norte kanina, sinabi ni Teodoro na hindi siya sang-ayon sa anumang negosasyon dahil ang mga Pilipino aniya ay nasa kapayapaan na, ngunit ang mga rebelde ang nanggugulo.
Naglabas ng panawagan ang dating mga miyembro ng exploratory team para sa backchannel talks matapos ang engkwentro sa Negros Occidental na ikinasawi ng 19 katao.
Ayon sa kanila, dati nang umabot sa puntong malapit nang magkaroon ng interim peace agreement ang gobyerno at CPP-NPA-NDF.
Ngunit giit ni Teodoro, ang pakikipag-usap sa mga rebelde ay tila pagbibigay-legitimacy sa kanilang “terorismo,” bagay na hindi niya matatanggap.
Sinabi ng Armed Forces of the Philippines na lahat ng nasawi ay armado at nakipaglaban, ngunit iginiit ng CPP na may mga sibilyan sa mga napatay.
Dahil dito, nagsimula na ang imbestigasyon ng Commission on Human Rights upang alamin kung nasunod ang international humanitarian law sa naturang operasyon.
















