Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng tatlong bilang ng grave threat at isang bilang ng inciting to sedition laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y kasunod ng umano’y pagbabanta niya laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Hindi kasi tinanggap ng NBI ang paliwanag ng Bise Presidente na “conditional” lamang ang naging threat to kill nito.
Ayon sa NBI, malinaw umano sa konteksto ng kanyang mga pahayag na may intensyon itong manakot at magpahiwatig ng seryosong pagbabanta.
Bukod dito, inirekomenda rin ng ahensya ang kasong inciting to sedition kaugnay ng mga pahayag ni Sara Duterte noong Oktubre at Nobyembre 2024 sa naging online press briefing, kung saan binanggit umano nito ang matinding galit sa gobyerno at mga opisyal nito.
Sa affidavit ng NBI, nakasaad na ang mga pahayag ng Ikalawang Pangulo ay maaaring mag-udyok ng pagkadismaya sa pamahalaan at magtulak sa publiko na lumaban sa mga awtoridad.
“Tends to incite and stir up… to overthrow the organized government by unlawful means,” ayon sa NBI.
Ayon naman sa ilang miyembro ng House Committee on Justice, maaaring magsilbing mahalagang ebidensya ang naturang affidavit sa impeachment proceedings laban kay VP Sara.
‘Wala pang opisyal na pahayag ang Office of the Vice President hinggil sa rekomendasyon ng NBI.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang Bombo Radyo sa panig ng kampo ni VP Sara Duterte.
















