-- Advertisements --

Ipinahayag ni US President Donald Trump na hindi siya nasisiyahan sa pinakabagong alok ng Iran para sa negosasyon, hudyat na maaaring magpatuloy ang deadlock sa digmaan.

Ayon kay Trump, may mga hinihingi ang Tehran na hindi niya kayang tanggapin, kahit nagpapatuloy ang komunikasyon ng dalawang panig.

Samantala, sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na bukas ang Iran sa diplomasya kung babaguhin ng U.S. ang “agresibong approach,” ngunit nananatiling nakaalerto ang kanilang pwersa laban sa posibleng pag-atake.

Kasabay nito, lalong uminit ang tensyon sa mga kaalyado matapos ipahayag ang pag-withdraw ng tropa ng U.S. mula sa Germany, kasunod ng alitan kay German Chancellor Friedrich Merz.

Sa kabila ng tigil-putukan, nananatiling kritikal ang sitwasyon sa Strait of Hormuz, na apektado ang malaking bahagi ng global oil supply.

Dahil dito, patuloy ang pangamba sa ekonomiya at inaasahang tataas ang presyo ng langis.