-- Advertisements --

Itinakda ng Trial Chamber III ng International Criminal Court (ICC) ang unang status conference sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Mayo 27, bilang bahagi ng pag-usad ng paglilitis.

Ayon sa ICC, inaatasan ang prosekusyon at depensa na magsumite ng kani-kanilang dokumento at ebidensiya bago ang deadline na Mayo 15.

Kabilang dito ang trial briefs, disclosure ng mga materyales, at iba pang mahahalagang detalye para sa kaso.

Layunin ng status conference na tukuyin ang timetable o iskedyul ng mismong trial, pati na ang mga susunod na hakbang sa proseso.

Nauna nang kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ang tatlong bilang ng crimes against humanity laban kay Duterte, dahilan upang umusad ang kaso sa trial phase.

Sa hakbang na ito, mas pormal nang sisimulan ng ICC ang pagdinig sa kaso ng dating pangulo, na kasalukuyang nasa kustodiya sa The Hague mula pa noong Marso 2025.