Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na posibleng tumaas ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo dahil sa patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.
Ayon sa paunang datos mula sa Mean of Platts Singapore (MOPS), tinatayang maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng P1 hanggang P3 kada litro, habang ang gasolina ay posibleng madagdagan ng P1 hanggang P2 kada litro.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na ang mga unang indikasyon sa global oil trading ay nagpapakita ng upward pressure sa presyo ng langis, na maaaring magresulta sa panibagong taas-presyo sa mga gasolinahan.
Ayon pa sa DOE, naghihintay pa sila ng final trading results hanggang ngayong araw ng Biyernes bago tuluyang kumpirmahin ang eksaktong adjustment sa presyo ng petrolyo.
Karaniwang inaaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo tuwing Lunes at ipinatutupad ito sa susunod na araw, Martes.
















