Idineklarang void o walang bisa ng Korte Suprema ang pagsibak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Sa desisyong inilabas lamang kamakailan sa website ng korte, sinabi ng Supreme Court Third Division na walang administrative o disciplinary authority ang punong ehekutibo sa deputy ombudsman.
Pinagtibay ng korte ang 2014 ruling sa Gonzales case, kung saan ayon sa Korte Suprema, unconstitutional o labag sa batas ang kapangyarihan ng Pangulo na tanggalin ang deputy ombudsman, dahil makakasira ito sa kasarinlan ng naturang tanggapan.
Ipinaliwanag din ng Kataas-taasang hukuman na maling kaso ang ginamit na batayan ng Presidente sa pagpapairal ng kapangyarihan nito para i-dismiss si Carandang.
Iginiit din ng korte na ang kasong Agustin-Se, na pinagbatayan ng Office of the President, ay hindi naging isyu ang administrative disciplinary jurisdiction.
Sinabi rin ng SC, sa pamamagitan ni Associate Justice Filomena Singh, ang hinihiling ng Office of the President ay baliktarin ang ruling nito sa Gonzales case.
Subalit, ayon sa korte, walang “compelling reason” para baliktarin ito, dahil maging ang sariling aksiyon ng presidnete ay isyu, sabay ng paggiit sa pangangailangang protektahan ang tanggapan ng Ombudsman mula sa political influence.
Matatandaan, si Carandang ang humalili sa imbestigasyon noong 2017 kaugnay sa umano’y ill-gotten wealth ng dating Pangulo matapos mag-inhibit si Ombudsman Conchita Carpio-Morales mula sa kaso.
Kalaunan, hiniling ni Carandang sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na imbestigahan ang mga account na tinukoy ni dating Senador Antonio Trillanes IV at kinumpirma kalaunan ang findings ni Trillanes kaugnay sa umano’y ill gotten wealth ni dating Pangulong Duterte.
Kinasuhan naman ng Office of the President si Carandang ng betrayal of public trust at graft na nagresulta sa kaniyang pagkakasibak noong Hulyo 2018.
















