-- Advertisements --

Target ng Senate Blue Ribbon Committee na magpadala ng panibagong imbitasyon sa umano’y mga sangkot na mambabatas sa imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects.

Ito ay kasabay ng pagtitiyak ni Blue Ribbon Commitee chair at Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.

Kabilang sa mga mambabatas na target na imbitahan ay si dating House Speaker Martin Romualdez, na dalawang beses na ring inimbitahan ng komite.

Subalit binigyang-diin ni Lacson na hindi maaaring pwersahin ang mga miyembro ng Kamara de Representantes na dumalo sa mga pagdinig ng Senado dahil na rin sa “inter-parliamentary courtesy,” isang tradisyon o unwritten rule sa Kongreso ng Pilipinas kung saan nirerespeto ng Senado at Kamara ang operasyon, internal affairs, at miyembro ng bawat isa.

Sa kabila nito, iginiit ng Senador na ang mga nadadawit na mambabatas ay dapat humarap sa komite at bigyan ang kanilang sarili ng pagkakataon na sagutin ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.

Samantala, mayroon ding nakabinbing imbitasyon para kay dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson, subalit hindi pa nakapagsusumite ng kaniyang affidavit sa kabila pa ng nauna niyang pahayag na nakahanda siyang tumestigo sa Blue Ribbon Committee.