BUTUAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan kaugnay ng pagsunog sa anim na heavy equipment sa Purok 3, Barangay Danao, Surigao City, bandang alas‑9:21 ng gabi.
Ayon kay PLCol Mariano Lukban, hepe ng Surigao City Police Station, agad silang rumesponde matapos matanggap ang ulat kungsaan tatlong yunit ang lubos na nasunog na kinabibilangan ng dalawang backhoe at isang elf truck habang dalawang road rollers naman at isang cement mixer ang bahagyang nasira.
Batay sa salaysay ng bantay na si Maijel Estebe Doquila, tatlong armadong lalaki ang dumating sakay ng pulang motorsiklo bandang alas‑7:30 ng gabi.
Dalawa sa kanila ang kumausap sa kanya, habang ang isa ay nagtungo sa lugar kung saan nakaparada ang mga heavy equipment at doon sinindihan ang nasabing mga sasakyan at pagkatapos ng insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa barangay proper.















