-- Advertisements --

Naghain ang ilang abogado ng ‘supplemental petition’ sa Korte Suprema ukol sa pagdinig ng House of Representatives Justice Committee sa ‘impeachment’ kontra sa ikalawang pangulo.

Sa isang online post, ibinahagi ni Atty. Israelito Torreon ang kanilang paghahain ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman kasama ilan pang petisyuner gaya nina Atty. Vic Rodriguez at Atty. Jimmy Bondoc.

‘Supplemental Petition for Certiorari’ ang inihain sa paniniwalang hindi naayon sa batas o ‘unconstitutional’ ang implementasyon ng House Resolution No. 892.

Sa pamamagitan kasi ng naturang resolusyon, napahintulutan ang komite sa kongreso na magsagawa ng mga pagdinig ukol sa mga reklamong ‘impeachment’ laban kay Vice President Sara Duterte.

Giit ng mga petisyuner nagkaroon ng ‘grave abuse of discretion’ ang House Committee on Justice sapagkat itinuloy pa rin ang pagsasagawa ng pagdinig kahit pa naka-recess ang kongreso.

Kung kaya’t dahil rito’y hiling nila sa Korte Suprema na ideklarang ‘unconstitutional’ at ‘walang bisa’ ang House Resolution No. 892.

Nais din nilang maipawalang bisa ang lahat ng mga pagdinig, subpoenas, mga mosyon at iba pang hakbang o aksyon ng komite alinsunod sa naturang resolusyon.

Bukod pa rito’y hiniling ng mga petisyuner sa Kataas-taasang Hukuman na mag-isyu ito ng Temporary Restraining Order para kadyat mapigilan magpatuloy pa ang mga pagdinig.

Sa kabila nito’y paglilinaw naman ng grupo na hindi nila layon proteksyunan ang bise presidente mula sa pananagutan bagkus nais lamang matiyak naaayon sa batas ang proseso.