Target ng Department of Migrant Workers (DMW) na madagdagan pa ang pondo para sa 2024 kasabay ng paglilipat ng mga function o tungkulin sa pagbibigay ng assistance services para sa mga OFW.
Sinabi ni DMW Undersecretary Hans Cacdac na suportado umano ng mga mambabatas ang pagbibigay ng karagdagang pondo sa ahensiya para sa taong 2024.
Isa na rito si Senator Raffy Tulfo na tumatayong chairman ng committee on migrant workers na hayagang nagsabi na kaniyang isusulong ang pagbibigay ng mas mataas na pondo para sa DMW gayundin si Kabayan Party-list Representative Ron Salo sa panig naman ng Kamara.
Ang mga karagdagang pondo ayon sa DMW official ay ilalaan para sa pag-hire ng karagdagang kawani at maintenance ng DMW at iba pang operating expenses.
Simula kasi sa Hulyo 1, ililipat na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa DMW ang tungkulin na magbigay ng Assistance to Nationals Functions for OFWs.
Ang DMW na din ang mamamahala sa P1.08 billion AKSYON fund para sa legal at humanitarian assistance para sa OFWs.