Nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga awtoridad sa Hong Kong kasunod ng napaulat na dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang missing o nawawala sa naturang special administrative region ng China.
Sa ngayon, ayon sa ahensiya, nakipag-ugnayan na ito sa Philippine Consulate General, Hong kong Police Force at Hong Kong Immigration Department upang simulan ang masusing imbestigasyon at aktibong paghahanap.
Sa isang statement, sinabi ng DMW na base sa ulat ng Migrant Workers Office sa Hong Kong, huling namataan ang 2 Pinay overseas worker na sina Imee Mahilum Pabuaya, 24 taong gulang, at Aleli Perez Tibay, 33 taong gulang, noong Oktubre 4 sa Tsuen Wan District.
Kaugnay nito, umaapela ang ahensiya sa sinumang may impormasyon sa posibleng kinaroroonan ng nabanggit na OFWs na agad makipag-ugnayan sa Philippine Consulate o sa MWO-Hong Kong. Makakatulong aniya ng malaki ang bawat tip, larawan o detalye, na maaaring maging susi para matagpuan na ang mga ito.
Tiniyak din ng ahensiya kasama ang MWO-Hong Kong na nakahanda silang magbigay ng lahat ng kinakailangang suporta mula sa legal, medical, emergency at iba pa para sa pamilya ng dalawang Pinay workers.