ILOILO CITY – Pinangunahan mismo ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr. ang demonstrasyon sa “do it yourself” divider na maaaring ikabit sa motorsiklo bilang pagtalima sa physical distancing measure.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Defensor, sinabi nito na common sense ang dapat gamitin sa paggawa ng divider sa motorsiklo at pati na rin sa tricycle.
Ayon kay Defensor, nakadepende sa nais na istilo at sa gagamiting materyales ang paggawa ng divider at ang mahalaga ay walang physical contact ang driver at ang sakay.
Mahalaga rin na mayroong hawakan ang divider para sa angkas at hindi dapat kalimutan ang pagsuot ng helmet, gloves at face mask sa pagbyahe.
Ang nasabing hakbang ay kasunod ng appeal letter ng Gobernador sa Land Transportation Office na payagan na ang angkas sa motorsiklo at ang pagsakay ng tatlong pasahero sa tricycle na siyang solong transportasyon sa mga malalayong barangay sa lalawigan ng Iloilo.