Pinangunahan ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang paglulunsad ng unang Regional Command Center ng bagong Unified 911 System nitong Sabado, Oktubre 25, sa lungsod ng Cebu.
Dinaluhan din ang naturang kaganapan nina PNP Chief PLTGEN. Jose Melencio Nartatez Jr., BFP Chief Jesus Fernandez, at mga lokal na opisyal.
Ang Cebu ang kauna-unahang rehiyon sa bansa na nagtatag ng regional command center matapos ilunsad ang National Command Center (NCC) sa Maynila noong buwan ng Setyembre ng taong kasalukuyan.
Sa naging mensahe ni Secretary Remulla, binigyang-diin nito na layunin ng proyekto na palakasin ang kakayahan ng pamahalaan na magbigay ng mabilis, epektibo, at language-inclusive na serbisyo sa mga emerhensiya sa buong bansa.
“We must respect each other. Despite our differences – politics and everything else, we must realize that we are Filipinos and the service must come as one,” saad ni SILG Remulla.
Nangako rin ang kalihim na magpapadala ng karagdagang mga police cars, fire trucks, at motorsiklo upang mapalakas ang kakayahan ng mga otoridad sa rehiyon at maging handa sa anumang emerhensiya.
“Pinapangako ko po sa inyo na hindi po ako babalik sa Cebu nang walang dalang 200 police vehicles. We will send new firetrucks, motorcycles, police cars. We will pay as much attention to Cebu, as we do pay attention to Metro Manila. We are one country. We are one nation. We are all Filipinos,” dagdag pa ng kalihim.
Giit niya, dapat maging episyente at tapat ang paggamit ng pondo ng pamahalaan upang matiyak na ang bawat Pilipino, saanmang panig ng bansa, ay mabilis na matutulungan sa oras ng pangangailangan.
















