Ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pag-deploy ng mga Barangay Tanod sa mga paaralan kasunod ng pamamaril sa Sta. Rosa Integrated School sa Nueva Ecija noong Agosto 7.
Batay sa Memorandum Circular 2025-072, inatasan ang mga barangay na makipag-ugnayan sa mga pampublikong paaralan upang magtalaga ng tanod na tutulong sa pagmamando ng trapiko tuwing pasukan at uwian, magpapatrolya sa paligid ng paaralan, at magbabantay sa anumang banta sa seguridad.
Hinimok din ang mga mayor na suportahan ang inisyatiba sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kinakailangang kagamitan at tulong sa lokal.
Ayon sa DILG, ang hakbang ay bahagi ng pagpapatibay sa seguridad ng mga mag-aaral matapos ang insidente kung saan isang 18-gulang na lalaki ang namaril sa kanyang 15-gulang na dating kasintahan sa loob ng paaralan bago ito magpakamatay. Hanggang sa ngayon ay nanatiling kritikal ang kalagayan ng biktima.