Ipinag-utos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng lokal na pamahalaan sa probinsiya ng Cebu at Mindanao na magsagawa ng agarang inspeksiyon sa mga istruktura kasunod ng mga tumamang serye ng malalakas na lindol.
Sa abisong inisyu ng ahensiya ngayong Lunes, pinapatututukan nito sa mga LGU ang rapid safety assessments sa pangungua ng Building Officials, Municipal at City Engineers at iba pang technical personnel sa mga gusali, bahay at kritikal na imprastruktura lalo na sa mga lugar na matinding naapektuhan na nakitaan ng mga bitak, pinsala o sinyales ng pagguho.
Umapela din ang ahensiya sa LGUs na makipag-ugnayan sa DPWH, local disaster risk reduction and management offices at barangay officials sa pagsasagawa ng joint inspection at pagbabahagi ng findings.
Para sa mga gusaling idineklarang hindi ligtas, inirekomenda ng DILG ang agarang aksiyon kabilang dito ang paglikas sa mga residente at paglipat sa kanila sa pansamantalang shelters.
Hinimok din ang mga ito na makipag-ugnayan sa Municipal Social Welfare and Development para matulungan ang mga apektadong pamilya.
Pinaalalahan din ang LGUs na paspasan ang pag-isyu ng mga permit na kailangan para sa pagkumpuni at pagtatayo ng mga napinsalang bahay.