Nagpadala ng tulong ang Estados Unidos sa mga residente ng Manay, Davao Oriental na naapektuhan ng magkasunod na magnitude 7.4 at 6.8 na lindol noong Biyernes.
Ayon sa US Embassy, kabilang sa ipinadalang ayuda ang mahigit 137,000 family food packs at 500 emergency shelter kits. Sinabi ni US Ambassador MaryKay Carlson na nakikipag-ugnayan sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matukoy pa ang karagdagang pangangailangan ng mga naapektuhan.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang iba pang mga bansa. Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Japanese Ambassador Endo Kazuya na nakikiisa ang Japan sa mga Pilipino “with hope, strength, and solidarity.”
Ipinahayag din ni Australian Ambassador Marc Innes-Brown ang paghanga ng Australia sa “resilience and response” ng Pilipinas sa harap ng magkakasunod na kalamidad.
Samantala, inihayag ng Chinese Embassy ang pakikidalamhati sa mga nasawi at ang pag-asa sa mabilis na pagbangon ng Davao Region.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa walo (8) ang nasawi at 395 ang nasugatan sa mga lindol.
Tinatayang P100.25 million naman ang halaga ng pinsala sa imprastruktura sa Davao Region at CARAGA, na kinabibilangan ng 273 nasirang pasilidad.