Pumapalo sa P2.2 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng tumamang malakas na magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental sa mahigit 500 paaralan kahapon, Oktubre 10, base sa inisyal na pagtaya sa nagpapatuloy na damage assessment.
Base sa situation report ng Department of Education (DepEd), kabuuang 1,006 paaralan sa Mindanao ang apektado ng lindol. Nagresulta ito sa paghinto ng mga klase na nakaapekto sa mahigit 101,000 mag-aaral at 9,500 guro.
Sa nasabing bilang, 139 estudyante at 50 guro ang napaulat na nasugatan dahil sa malakas na lindol.
Sinuspendi na ang face to face classes sa 97 porsyento ng mga naapektuhang paaralan para sa pagsasagawa ng inspeksiyon at engineering assessments.
Pansamantala, nag-shift muna ang mga ito sa alternative learning delivery modes para tuluy-tuloy pa rin ang edukasyon ng mga bata.
Ayon sa DepEd, nagsasagawa na rin ang Disaster Risk Reduction coordinators at engineers ng rapid visual assessments sa imprastruktura ng mga paaralan.