Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maituturing bilang “doublet earthquake” ang tumamang magkasunod na malakas na lindol sa Davao Oriental nitong Biyernes, Oktubre 10.
Paliwanag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol, ang ikalawang lindol na may lakas na magnitude 6.8 na tumama sa may offshore ng Manay, Davao Oriental kagabi ay hindi aftershock ng naunang magnitude 7.4 na lindol na tumama umaga kahapon sa halos parehong lugar kundi isang hiwalay na seismic event.
Aniya, nangyayari ito kapag ang faults o trenches ay nagdudulot ng stress na nagtri-trigger sa serye ng mga event.
Hindi aniya tulad ng aftershock mula sa main earthquake, ang lindol sa doublet ay independent events subalit pinaniniwalaang natri-triger ang mga ito ng parehong fault o trench system na naglalabas ng accumulated stress.
Nangyayari din ang naturang event kapag ang faults o trenches ay nagdudulot ng stress para i-trigger ang serye ng malalakas na lindol.
Samantala, ayon kay Dir. Bacolcol, hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito. Binalikan ni Bacolcol ang Hinatuan earthquake noong Disyembre 2, 2023 kung saan tumama din ang magnitude 7.4 na lindol at sinundan din ng magnitude 6.8 na lindol sa sumunod na dalawang araw.
Patuloy naman ang pag-analisa ng ahensiya sa parameters ng lindol para masuri pa ang mga katangian ng dalawang hiwalay na events at maunawaan pa ang koneksiyon ng dalawang tumamang lindol.