-- Advertisements --

Sinusuri na ng Office of Civil Defense (OCD) ang lawak ng epekto ng magnitude 7.4 na lindol na sumentro sa Davao ngunit umabot hanggang sa tatlong iba pang rehiyon sa Mindanao.

Batay sa ulat ng mga regional office ng OCD, naapektuhan ng lindol ang mga rehiyon ng Caraga, Soccsksargen, at Northern Mindanao (R10).

Ayon kay OCD Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, nakapag-ulat na ang regional office ng mga inisyal na danyos sa iba’t-ibang pampublikong istraktura tulad ng mga gusali, kalsada, at mga tulay.

Ang mga ito aniya ay dumadaan sa validation upang masigurong akma ang magiging report ng OCD na pagbabasehan ng mga isasagawang rehabilitasyon at humanitarian operation sa mga nabanggit na rehiyon.

Sa kasalukuyan ay nasa Davao ang matataas na opisyal ng OCD para sa pagsusuri at evaluation sa epekto ng lindol sa mga komunidad.

Pinangungunahan din ng mga regional office ng OCD ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang makalikom ng impormasyon ukol sa danyos.

Kabilang sa inisyal na natukoy dito ay ang halos 400 eskwelahan na nagtamo ng mga bitak at bumagsak na bahagi, habang ilang tulay, kalsada, at pampublikong gusali na rin ang natukoy na nagtamo ng pinsala.

Sa kasalukuyan, wala aniyang problema sa komunikasyon, sa kabila ng epekto ng lindol sa communication lines sa malaking bahagi ng Mindanao.