Iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang umano’y data breach sa kanilang internal systems matapos ang alegasyon ng cybersecurity advocacy group na Deep Web Konek na isang hacktivist group ang nakapag-“infiltrate” sa network ng ahensya at naka-“exfiltrate” umano ng 400 gigabytes ng mga sensitive data ng gobyerno.
Ayon sa DILG, nagsasagawa na ng beripikasyon ang kanilang technical teams kasama ang mga government cybersecurity units, at sinabing nanatiling stable ang core services sa kanilang paunang pagsusuri. Nag-activate na rin ang ahensya ng containment at security protocols habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Hiniling ng DILG sa publiko na huwag muna maniwala sa mga unverified posts habang wala pang opisyal na resulta ang kanilang pagsusuri. Wala pang pahayag ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay nito.
Sa isang Facebook post, sinabi ng Deep Web Konek na ang hacktivist group na #HappyGoLucky ay naglabas ng mga umano’y patunay tulad ng screenshots, kabilang ang larawan na nagpapakitang may access ang grupo sa DILG SQL interface.
Ayon sa initial review ng grupo, ang database na nakita ay ginagamit para sa Gender and Development (GAD) document management system, na naglalaman ng higit 113,000 records gaya ng internal reports, government templates, budget documents, at iba pang administrative files —lahat umano’y mukhang aktwal at hindi test data.
Ipinakita rin ng isa pang screenshot ang umano’y SQL system dumps mula sa DILG servers, indikasyon na maaaring maraming internal platforms ang na-kompromiso. Dagdag pa ng Deep Web Konek, ang domain na makikita sa screenshot na dilg.gov.ph ay nagpapakitang ang data ay direktang galing sa government servers.
Ayon sa advocacy group, sinabi ng #HappyGoLucky na ang insidente ay “hacktivism, not cybercrime for profit,” at hindi nila binebenta o ipinagpapalit ang anumang nakuhang impormasyon. Giit pa umano ng grupo, ang kanilang aksyon ay panawagan laban sa korapsyon at para panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan na bigong magsilbi nang tama sa publiko.
















