-- Advertisements --

Hinikayat ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang publiko na huwag mag-atubiling idulog at ireklamo ang mga pulitikong nakikita nilang may pagka-“epal” sa pamamagitan ng iba’t ibang plataporma na inilalaan ng ahensya para sa layuning ito.

Ito ay upang masiguro na ang mga opisyal ng gobyerno ay nananatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin at hindi ginagamit ang kanilang posisyon para sa pansariling interes o pagpapabango ng pangalan.

Ang mga insidente ng pagiging “epal” ng mga pulitiko ay maaaring isumbong sa “Bantay Korapsyon,” na siyang pangunahing anti-corruption initiative ng DILG.

Ang programang ito ay sadyang binuo upang labanan ang korapsyon sa lahat ng antas ng pamahalaan.

Bukod pa rito, maaari ring isumbong ang mga ito sa Public Assistance and Complaints Center (PACC), na nagsisilbing frontline service ng DILG para sa pagtanggap ng mga reklamo, pagbibigay ng tulong, at pagsagot sa mga katanungan ng publiko.

Tinitiyak ng DILG sa publiko na ang lahat ng reklamo na kanilang matatanggap ay maitatala nang maayos, masusuri nang masinsinan, at bibigyang aksyon ayon sa nararapat.

Ito ay upang ipakita ang kanilang seryosong pagtugon sa mga isyu ng korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.