-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) na walang utos ang pamahalaan na maging mandatoryo ang pagte-test sa COVID-19 ng mga empleyadong nagbalik-trabaho.

Pahayag ito ng ahensya matapos mabatid na may ilang local government units ang nagutos sa mga kompanya na i-test muna ang returning workers.

Pero paglilinaw ni Interior Sec. Eduardo Año, walang inilabas na order ang national government hinggil dito.

Iginiit ng kalihim na pareho din ang posisyon dito ng Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry.

Payo ni Año sa mga employers, isailalim sa screening ang mga empleyadong magpapakita ng sintomas ng COVID-19.

Makabubuti rin umano na mag-fill up ng disclosure form ang mga empleyado, kung saan ilalagay ng mga ito ang kanilang naging aktibidad sa nakalipas na 14-araw.