Binalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga politiko at maging ang kanilang mga supporter na mananagot sa batas kapag napatunayang sangkot sa anumang uri ng karahasan laban sa mga miyembro ng media.
Ito ay bahagi ng tinatawag na proactive measure ng gobyerno para protektahan ang mga media workers, journalists at iba pang media practitioners.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, katuwang nila ang Philippine National Police at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa pagbuo ng “safe and healthy spaces” para sa mga media practitioner kaugnay sa halalan sa darating na Mayo.
Nais kasi masiguro ni Año na may sapat na seguridad ang media na magco-cover sa 2022 national and local elections.
Nasa 1,899 PNP focal persons ang makikipagtulungan sa PTFoMS special agents na siyang tutugon sa mga isyu na may kaugnayan sa media workers lalo na sa kaligtasan at pag-iimbestiga.
Sa panig ni DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya, ang mga PNP focal persons na magsisilbing “first line of defense” ang unang makakatanggap ng impormasyon at tutugon sa mga banta. Sila rin ang in-charge sa pag-expedite ng imbestigasyon at resolusyon ng mga kaso ng karahasan, at intimidation laban sa mga journalist sa pakikipag-ugnayan sa PTFoMS special agents.