Ikinatuwa ng Digital Pinoys ang Cease and Desist Order na inilabas ng National Privacy Commission (NPC) laban sa developer ng World App, ang Tools for Humanity (TFH), dahil sa umano’y mapanlinlang na pangangalap ng biometric data mula sa mga Pilipino.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Ronald Gustilo, National Campaigner ng Digital Pinoys, sinabi nitong matagal nang isinusulong ng kanilang grupo ang pagsugpo sa ganitong uri ng mapang-abusong teknolohiya.
Aniya, nagbibigay umano ang World App ng cash incentives kapalit ng iris scans, ngunit hindi malinaw kung saan at paano gagamitin ang sensitibong impormasyong kinokolekta.
Pinayuhan ni Gustilo ang publiko na huwag basta-basta magtiwala sa mga ganitong alok na tila “madali” o “mabilis na pera,” at binigyang-diin ang mga seryosong panganib ng identity theft.
Aniya, kapag nakolekta ang personal na impormasyon at biometric data, maaaring magamit ito ng mga cybercriminals para magbukas ng bank accounts, mag-apply ng credit cards, o gumawa ng iba pang financial transactions gamit ang pangalan ng biktima, nang hindi nila ito alam.
Hinimok pa niya ang NPC na tuluyang ipagbawal ang operasyon ng World App sa bansa at kasuhan ang TFH at mga lokal na kasabwat nito.
“Marapat lamang na sila ay pinahinto na ng pamahalaan. May mga reklamo tayong natanggap mula sa mga kababayan nating hindi nakuha ang pera na ipinangako sa kanila—na-scam pa sila. Kaya nararapat lang na managot agad ang World App at ang mga kasabwat nila,” saad ni Gustilo.
Tiniyak din ng Digital advocates na magpapatuloy ang kanilang pagmamatyag at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang seguridad ng publiko sa online na mundo.
Nanawagan pa ito sa publiko na huwag basta-bastang maniniwala sa mga ganitong klaseng modus dahil kapag napahamak ang impormasyon ng isang indibidwal, mas mabigat na problema umano ang maaaring kaharapin.
Hinimok din niya ang mga Pilipino na makipagtulungan sa NPC at iba pang ahensya upang supilin ang mga mapanganib na app gaya ng nabanggit.
“Mahalaga na makipagtulungan tayo sa npc at sa iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagsupil sa operasyon ng World app. Lubhang napakapanganib ng paggamit ng serbisyo na kanilang binibigay sa kababayan particular na yung pagkokolekta ng personal na information at biometric data ng ating kababayan kapalit ng halaga ng pera,” dagdag pa niya.