-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na plano nitong makipagtulungan sa mga ‘content creators’ para mahuli ang mga online scammers na nagkalat ngayon.

Kung saan bukas umano ang naturang kagawaran para sa isang kolaborasyon o partnership sa mga ‘scam busters’ na ang kanilang content ay magsiwalat ng mga indibidwal o grupo na sangkot sa operasyon ng ilegal na gawain.

Ayon kay Assistant Secretary Ranato ‘Aboy’ Paraiso ng DICT, nakikiisa umano sila sa adbokasiya ng mga ‘content creators’ na layong mapahinto ang pambibiktima ng mga scammer sa online.

Hinimok din niya ang mga ito na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan o magpadala ng impormasyon sa kagawaran upang mapaigting ang paglaban kontra online scamming.

Kasunod ito sa naganap na ‘exposé’ ng isang content creator na kalauna’y mabilis na kumalat sa iba’t ibang social media platforms online.

Pinakita kasi nito sa naturang video ang kuha ng mga CCTV footages na nagsisiwalat ng umano’y scam hub sa Cebu.

Ani pa niya’y ang pagiging bukas umano ng kagawaran pati ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para sa kolaborasyon ay bahagi ng kanilang programang ‘digital bayanihan’.

Kung saan ipinaliwanag niya na ang paglaban sa ilegal na operasyon ng online scamming ay hindi lamang inisyatibo ng pamahalaan kundi katuwang anila rito maging ang publiko upang ito’y lubusang matugunan.

Kaya naman dahil dito, pagtitiyak ni Assistant Secretary Aboy Paraiso na kanilang aaksyunan ang anumang impormasyon na ipapadala sa kanila upang panagutin ang mga nasa likod ng online scamming lalo na sa bansa.