-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakahanda sila alalayan ang mga kababayan nating nais umuwi ng Pilipinas mula sa bansang Israel.

Subalit batay sa ulat ng DFA walang gustong umuwi sa Pilipinas sa mga Pilipino na nasa Israel sa kabila ng pagsiklab ng giyera.

Ayon kay Department of Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega, handa sila sa repatriation, kasunod ng panawagan ng ilang senador na magsagawa na ng repatriation habang bukas pa ang borders.

Sinabi ng opisyal, may natanggap silang impormasyon na mayroong kaunting Pinoy sa Gaza na gustong bumalik sa Pilipinas pero hindi pa rin ito kumpirmado.

Dagdag ni De Vega, kadalasang ang mga tumatawag sa embahada ay nagtatanong lang ng sitwasyon at nagsasabing ligtas sila.

Kasabay nito siniguro ng DFA na mayroong contingency plan ang gobyerno kasama ang Israeli government sakaling lumala ang sitwasyon doon.

Una ng pinatitiyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa mga concerned agencies na siguraduhin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Israel.