-- Advertisements --

Ibinabala ng National Tobacco Administration (NTA) sa publiko na iligal sa Pilipinas ang black cigarettes o tinatawag sa lokal bilang tuklaw na sigarilyo.

Inisyu ng ahensiya ang babala matapos kumalat ang video online ng nasa tatlong mga kabataan at rider na nakaranas ng seizure-like symptoms o panginginig ng katawan na hindi makontrol matapos humithit umano ng tuklaw cigarettes.

Ipinaliwanag pa ni NTA Administrator Belinda Sanchez na walang import license ang tuklaw na sigarilyo.

Hinimok din niya ang publiko na agad isumbong sa mga awtoridad sakaling may makitang ibinibentang Tuklaw cigarettes sa kanilang mga lokalidad.

Base sa panibagong findings ng NTA, nakapasok ang Tuklaw cigarettes sa bansa sa pamamagitan ng pagpuslit ng mga ito sa mga pantalan kabilang na sa may Zamboanga, General Santos at Davao sa Mindanao at sa probinsiya ng Palawan.

Ipinapadala umano ang mga iligal na sigarilyo sa pamamagitan ng pagdaan sa dagat mula sa mga bansang Indonesia at Malaysia.

Nauna na ring nagbabala ang mga eksperto sa banta nito sa kalusugan para sa mga naninigarilyo, dahil naglalaman ito ng nasa siyam na porsyentong nicotine, mas mataas sa average na 1% hanggang 3% na content ng mga ordinaryong sigarilyo.