-- Advertisements --

Nananatiling walang impormasyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung naaresto na si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.

Sa isang panayam, natanong si DFA Spokesperson Asec. Angelica Escalona kung tuluyan nang naaresto ang dating kalihim, kasunod ng pagkaka-kansela ng kaniyang pasaporte.

Sagot ni Escalona, wala pang impormasyon ang DFA ukol dito, at tanging ‘law enforcement to law enforment agencies’ lamang ang nangyayaring koordinasyon ukol sa posibleng pag-aresto kay Roque.

Ang tanging natatanggap pa lamang ng DFA aniya ay ang komunikasyon ukol sa passport cancellation na tiyak na maglilimita sa galaw ng dating presidential spokesperson.

Natanong din ang opisyal kung totoong nasa Netherlands pa rin si Roque.

Sagot ni Asec. Escalona, walang impormasyon dito ang DFA, pero kung ibabase sa claims ng dating kalihim, naroon pa rin siya sa Netherlands.

Naging usapan ang umano’y tuluyang pagkaka-aresto kay Roque nitong gabi ng Martes, Nov. 25, 2025, ngunit kinalaunan ay pinabulaanan din ito ng dating kalihim.

Nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking dahil sa umano’y koneksyon niya sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators hub sa Porac, Pampanga.