Nauwi sa trahediya ang sana’y masayang paglalakbay ng isang turistang Pilipino sa bansang Hong Kong.
Sa isang statement, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA), base sa ulat ng Consulate General ng Pilipinas sa HK, ang pagkasawi ng isang 35 anyos na Pilipinong turista matapos magtamo ng injuries nang mabundol ng isang taxi sa Tsuen Wan West sa Hong Kong noong Agosto 5.
Base sa Consulate General kasalukuyang nasa Kwai Chung Public Mortuary na ang labi ng Pinoy.
Nagpaabot naman ng labis na pagdadalamhati ang Consulate General sa naulilang pamilya at dasal para sa eternal rest ng nasawing turista.
Kasalukuyan na ding tinutulungan ng Konsulada ang pamilya ng mga nasawi at inaasahang darating ang pamilya nito sa Hong Kong para sa pag-areglo ng pagpapauwi ng mga labi nito.
Base sa inisyal na ulat, nawalan ng preno ang taxi na nagresulta sa pagbangga nito sa Pilipinong turista na paalis na noon mula sa Nina Hotel matapos magcheck-out.
Samantala, iniulat ng DFA na kasalukuyang nasa kustodiya na ng kapulisan ang taxi driver na sangkot sa aksidente at nakikipag-ugnayan na rin sa HK Police Force habang gumugulong ang imbestigasyon sa kaso.