-- Advertisements --

Walang naiulat na nasaktan o nasawing Pilipino matapos tumama ang magnitude 7.5 na lindol sa hilagang Japan, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Ayon sa ahensiya, patuloy na mino-monitor ng Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Tokyo ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa Filipino community.

Pinayuhan din ang mga Pilipino na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng lokal na awtoridad dahil sa posibleng aftershocks.

Batay sa ulat, tumama ang lindol malapit sa Misawa, sinundan ng tsunami warning kung saan mahigit 90,000 residente ang inilikas. Kalaunan, inalis na rin ang tsunami advisories nitong Martes.

Tinatayang 13,000 Pilipino ang nasa pitong naapektuhang prefecture kabilang ang Hokkaido, Aomori, Iwate, Miyagi, Akita, Yamagata, at Fukushima.