Halos 60 Pinoy crew members na ng M/V Diamond Princess sa Yokohama, Japan, ang nagpositibo sa China Coronavirus Disease (COVID)-19.

-- Advertisement --

Isa rito ay gumaling na matapos ma-confine sa ospital sa Japan.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Sec. Ed Meñez, naitala ang bagong limang kaso nitong weekend.

Ayon naman kay Department of Health (DOH) Assistant Sec. Maria Rosario Vergeire, hinihintay pa ang resulta ng isinagawang test sa mga Pinoy crew members at posibleng bukas ito ilalabas.

Ito anila ang dahilan kaya naipagpaliban ang repatriation sa mga kababayan imbes na kahapon, Linggo, sana sila iuuwi.

Inihayag ni Asec. Vergeire na itinuturing nilang kritikal ang sitwasyon sa loob ng barko dahil posibleng na-expose na sila sa virus sa patuloy na pagtatrabaho kaya hindi pa rin nila masabi ang eksaktong bilang ng maiuuwing Pinoy crew members. Depende kasi ito kung madagdagan pa ang bilang ng mga magpopositibo sa nakakamatay na virus.

Batay sa plano, mula sa Yokohama ay dadalhin ang mga kababayan sa Haneda Airport para dun sila isasakay ng chartered flight deretso ng Clark International Aiport.

Ang mga negatibo naman sa virus at walang sintomas ng respiratory illness ay idideretso sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Tarlac para sa 14-day quarantine. Habang ang magpapakita ng sintomas ay dadalhin sa natuloy ng isolation hospital.