-- Advertisements --

Target ng Department of Education (DepEd) na mabawi ang humigit-kumulang P100 milyon mula sa mga pribadong paaralang sangkot sa umano’y iregularidad sa Senior High School Voucher Program, ayon kay Education Secretary Sonny Angara.

Dagdag ni Angara, tuloy-tuloy ang imbestigasyon at pinapalakas ang sistema para maiwasan ang mga pandaraya.

Nagsampa na ang DepEd ng civil at criminal cases laban sa mga sangkot na paaralan, kabilang ang isang nasa Metro Manila, ngunit tumanggi siyang pangalanan ito.

Noong Marso, iniulat ng DepEd na 12 pribadong paaralan ang iniimbestigahan para sa SY 2023-2024, habang tatlo ang na-flag ng Government Assistance and Subsidies Service (GASS).

Kapag nabawi ang P100 milyon, ilalaan muli ito sa voucher program para mas maraming estudyante ang makinabang. Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa Private Education Assistance Committee (PEAC) upang paigtingin ang oversight at accountability ng programa ngayong school year. (report by Bombo Jai)