VIGAN CITY – Nakatakdang paimbestigahan umano ng Makabayan bloc sa Kamara ang napaulat na hindi naipamahaging mga libro at kwestyunableng textbook contracts ng Department of Education (DepEd).
Kamakailan lang nang lumabas ang report ng Commission on Audit (COA) na mayroon silang natuklasan na P254 million na kwestyunableng textbook contracts, at P113.7 milyon na hindi naipamahaging libro ng DepEd.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni ACT Teacher’s Partylist Rep. France Castro, muli nitong iginiit na madalas ay ang mga guro ang naglalabas ng kanilang sariling pera para matugunan ang mga kulang sa mga kailangan nila sa pagtuturo at kahit mga estudyante ay nagpapa-photocopy pa dahil sa kulang ang mga kailangan nilang libro sa pag-aaral.
Aniya, maghahain sila ng resolusyon para siyasatin at pag-aralan ang ulat ng COA tungkol sa nasabing iregularidad sa kagawaran kasabay ng pagtitiyak na irerekomenda nila na maparusahan ang sinumang nasa likod ng anomalya.
Sa panig naman ng DepEd, sinabi ni Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa Bombo Radyo na nakahanda sila sa anumang imbestigasyong isasagawa ng mga mambabatas dahil malinis ang kanilang konsensya.
Samantala, hindi malayong maharap sa kasong plunder ang mga DepEd officials na mapapatunayang sangkot sa isyu.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni House Minority Leader Bienvenido Abante na dapat may managot sa anomaliyang kinasasangkutan ng DepEd.
Para kay Abante, may korapsyon sa usapin na ito kaya mahalagang masilip ng Kamara upang hindi na ito maulit pa.
Ayon naman kay Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, dapat ay plunder ang ikaso sa mga mapapatunayang guilty sa alegasyon dahil mahigit P50 million ang nagastos dito. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)