-- Advertisements --

Nagsampa na ng kasong kriminal ang Department of Education (DepEd) laban sa pitong pribadong paaralan na sangkot umano sa tinaguriang “ghost beneficiaries” scam kaugnay ng Senior High School (SHS) voucher program.

Ayon sa kagawaran, kabilang sa isinampang reklamo ang estafa sa pamamagitan ng falsification of commercial documents at paglabag sa Cybercrime Prevention Act. Apat na kaso ang naihain na laban sa mga kinatawan ng tatlong paaralan, habang apat pa ang nakatakdang isampa.

Umabot sa Php 61.9M ang pondo ng voucher program na sangkot sa mga kaso. Hindi pa inilalabas ng ahensya ang pangalan ng pitong paaralan habang isinasailalim pa sa masusing pagsusuri ang iba pang kahalintulad na reklamo.

Matatandaang noong Marso, tinanggal ng ahensya ang partisipasyon ng 55 pribadong paaralan sa voucher program dahil sa iba’t ibang paglabag, kabilang na ang pagsumite ng claim para sa mga estudyanteng hindi totoong nag-e-exist o hindi kwalipikado.

Inilunsad ang SHS voucher program noong 2015 upang tulungan ang mga estudyante mula sa mahihirap na pamilya at bawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan. Ang bawat voucher ay nagkakahalaga ng Php 14,000 hanggang Php 22,500 depende sa lugar ng benepisyaryo.