-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na kasama rin sa paghahanda ng ahensya para sa distance learning sa pasukan ang mga estudyanteng may special needs.

Ayon kay DepEd Usec. Tonisito Umali, inclusive ang kasalukuyang polisiya ng kagawaran, kaya naman kasama sa mga konsiderasyon sa learning continuity plan ang mga special children.

“What I’m saying is that DepEd has always been allocating funds to provide for the materials that may be needed for our children with exceptionalities,” wika ni Umali.

Matutukoy din aniya sa isang buwang remote enrollment ang mga kakailanganin ng nasabing mga estudyante, kasabay na rin sa survey na gagawin ng ahensya sa mga magulang at mag-aaral.

Sa panig naman ni Usec. Nepomuceno Malaluan, isa sa mga alituntunin ng Learning Continuity Plan na binabalangkas ng DepEd ay ang pagiging sensitibo sa ganitong usapin.

“Kasi gagawin itong mga learning resources that is originally intended for classroom-based instruction, so may pagkakaiba ‘yan at kailangang may special provision talaga for those with different disabilities,” ani Malaluan.