Babawasan ng Department of Education (DepEd) ang administrative work ng mga guro bilang tugon sa daing ng mga ito na kulang pa sila sa pahinga.
Sinabi ni DepEd spokesman Michael Poa na batid ng ahensya na overworked ang mga guro kaya pilit nila itong hinahanapan ng solusyon.
Pero bagama’t nauunawaan daw nila ang pagod ng mga ito, kailangang ituloy ang pasukan kaya gagawan na lang ng paraan na mabawasan ang kanilang trabaho.
Ayon kay Poa, iniutos na ni VP at Education Sec. Sara Duterte ang pagkuha ng dagdag na mga tauhan partikular ng non-teaching personnel para gumawa ng administrative works.
Sa ganitong paraan, mas makakapag-focus aniya ang mga ito sa kanilang pagtuturo.
Kaugnay nito, binanggit ni Poa na magkakaroon din ng “reskilling” at “upskilling” program ang DepEd para sa mga guro bilang paghahanda sa pagbabalik nila sa pagtuturo.