Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na ang pagkansela o pag-reprice ng P1.6 trilyong proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay makatutulong hindi lamang sa pagpapondo ng mga programang pangkalusugan at pang-edukasyon, kundi pati na rin sa pagbawas ng utang ng bansa.
Sinabi ni Lacson na suportado niya ang mungkahi ni Rep. Leandro Leviste na ipatupad ang hakbang na ito.
Ayon kay Leviste, pinapayagan ng mga kontrata ng DPWH ang pagkansela ng proyekto sa ilalim ng “termination for convenience” kung hindi na praktikal ang proyekto, o “termination for unlawful acts” kung may katiwalian na mapapatunayan.
Hinimok niya si DPWH Secretary Vince Dizon na kanselahin ang P1 trilyong proyekto para sa 2025 at P600 bilyong proyekto para sa 2026, na tinatayang magreresulta sa P400 bilyong matitipid.
Nauna nang ibinunyag ni Lacson sa dalawang privilege speech ang katiwalian sa likod ng mga palpak at guniguning flood control projects, kasama ang sistematiko at lantarang korapsyon sa loob ng DPWH.
Ani Lacson, tututukan niya ang panukalang 2026 budget ng DPWH at nanawagan sa mga mambabatas na magpakita ng self-restraint sa pagpanukala ng realignment, lalo na sa mga locally funded infrastructure projects.