Itinuring ni dating Independent Commission for Infrastructure special adviser at kasalukuyang Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isang matinding insulto sa kaisipan ng mga Pilipino ang paglalarawan sa pagbibitiw ni dating Cong. Zaldy Co bilang isang “sakripisyo” imbes na pagtakas o pagtalikod sa kanyang tungkulin.
Sa pagdinig sa Senado, napasabi na lamang ng “My God” si Magalong matapos ipakita na hindi umano iniwan ni Co ang kanyang posisyon, kundi itinuturing pa itong isang sakripisyo.
Diretsahan niyang iginiit na nagnakaw si Co mula sa kaban ng bayan at sabay na nagtanong kung lubha na bang bumaba ang pamantayan ng Kongreso para tanggapin ang ganitong uri ng paliwanag mula sa isang nagbitiw na mambabatas.
Mariin din niyang tinuligsa ang pagbibigay-puri sa pagbibitiw ni Co, na aniya ay malinaw na halimbawa ng pagiging manhid, walang habag, mapagkunwari at insulto sa dignidad at kaisipan ng mga Pilipino.
Dagdag pa ni Magalong, natuklasan ng Independent Commission for Infrastructure na wala talagang transparency sa mga ghost at substandard na flood control project at nakakainsulto rin aniya na hindi man lang naisip ng mga tiwali ang kapakanan ng taumbayan.