Humigit-kumulang 30 barko ng militar at coast guard ng China ang namataan sa apat na lokasyon sa West Philippine Sea.
Ayon sa Philippine Navy, hindi bababa sa 30 barko ang namataan, kung saan sa Scarborough Shoal may 12 barko (4 warships, 8 coast guard ships), sa Ayungin Shoal nasa 7 barko, Escoda Shoal may 6 barko at Pag-asa Island nasa 5 coast guard ships
Walang namang naiulat na agresibong aksyon, ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad. Aniya, inaasahang bababa ang bilang ng mga barko kapag dumaan ang Tropical Storm Verbena, na inaasahang mararating ang West Philippine Sea ngayong araw Nobyembre 26.
Matatandaang pinalakas ng China ang pagpapatroliya nito sa Scarborough Shoal matapos ideklara itong nature reserve, hakbang na mariing iprinotesta ng Pilipinas.
Patuloy naman ang monitoring ng Philippine Navy at Air Force, habang handa ang AFP na suportahan ang anumang aksyon ng Coast Guard o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.















